Bacong

KASAYSAYAN NG BARANGAY BACONG

Ang Barangay Bacong na isang tahimik at makasaysayang lugar ay matatagpuan sa dakong Hilaga ng Bayan ng San Luis. Ang mga kahangganan nito ay ang mga sumusunod: Barangay Suklayin, Baler, Aurora sa gawing silangan, Barangay Calabuanan, Baler, Aurora sa gawing hilaga, bahagi ng Barangay San Jose at Zarah sa gawing Timog at Barangay San Isidro sa gawing kanluran.

Ang Bacong, bukod sa Barangay Proper ay may dalawang sitio; ang Sitio Hiwalayan sa gawing silangan at Sitio Tadeo sa dakong hilaga.

Ayon sa dahon ng kasaysayan, ang Barangay Bacong ang pinakamatandang Bario ng Barangay Baler, Tayabas na naging Sub-province ng Aurora. Ito ay naging isang ganap na Barangay noong ika-21 ng Hulyo, 1959 kasabay ang Real, Ditumabo at Zarah, bilang nasasakupan ng San Luis.

Sang-ayon sa matatandang mamamayan ng Bacong, ang Bacong ay hango sa pangalan ng isang halaman o bulaklak na may pahabang dahon na may mabango at maputing talulot na siyang umaakit sa mga taong nakakakita nito.

Ang pista ng Nayon ay ipinagdiriwang tuwing ika-15 ng Mayo na siyang kaarawan ni Patron San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka.

Bago pa man sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig,  ang Bacong ay mayroon nang paaralan, ang Bacong Elementary School na siyang pinagmulan ng mga bata noon na nakapagtapos ng pagkaguro, inhinyero, midwife, doctor, nurses at iba pang kurso sa kolehiyo na maituturing na haligi ng pamayanan hindi lamang sa Barangay Bacong, manapa’y sa iba’t ibang lugar dito sa Pilipinas.

Marami sa mamamayan dito ang mga magsasaka at ang pangunahing produkto dito ay niyog, palay, sitrus at gulay na nagbubuhat sa lupang kapatagan. Mayroon din ditong iba’t ibang negosyo tulad ng sari-sari store, rice mill, poultry at piggery na maging ang BSB Cable Network na matatagpuan sa Sitio Hiwalayan.

DEMOGRAPHIC PROFILE
(NSO Survey 2007)

TOTAL LAND AREA (Ha.) – 534.60
NO. OF HOUSEHOLDS – 340
TOTAL POPULATION(NSO2007)- 1,643
AVERAGE GROWTH RATE(%) – 2.00

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>